
Patuloy ang mga hakbang na isinasagawa ng pamahalaan upang matunton at maaresto si dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co na wanted sa mga kasong may kaugnayan sa katiwalian ng flood control projects.
Ayon kay Palace Press Briefer Claire Castro, nakipag-ugnayan na ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Justice (DOJ), at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa United Nations Convention Against Corruption (UNCAC) bilang isa pang legal na hakbang sa pag-aresto kay Co.
Sa isang pahayag, sinabi ni DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro na posible ang pakikipag-ugnayan sa UNCAC ngunit nilinaw na ang aplikasyon ng mga mekanismo nito ay nakadepende pa rin sa mga batas ng ibang mga bansa.
Bagama’t may koordinasyon na sa Interpol, iginiit naman ng DOJ na wala pang aktibong ugnayan ang bansa sa UNCAC.
Ayon naman kay DILG Secretary Jonvic Remulla, inilapit na sa Commission on Transnational Crimes ang kaso ni Co.
Samantala, itinanggi naman ni Castro na nagkukulang ang pamahalaan sa pagtugis kay Co.
“Hindi ibig sabihin na napakatagal na. Makikita natin kung paano nagtutulungan ang mga ahensya tulad ng DILG at DFA,” pahayag ni Castro sa isang press briefing.











