IBCTV13
www.ibctv13.com

Palasyo, binatikos ang ‘pabagu-bagong’ pahayag ni dating Rep. Zaldy Co

Hecy Brojan
184
Views

[post_view_count]

Screengrabs from resigned Ako Bicol Rep. Zaldy Co’s series of statement videos.

Binatikos ng Malacañang ang umano’y pabagu-bagong pahayag ni dating Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co sa kanyang serye ng online videos, at muli itong hinikayat na umuwi ng bansa upang harapin ang mga alegasyon kaugnay sa kanyang papel sa umano’y korapsyon ng flood control projects sa bansa.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Atty. Claire Castro, kapansin-pansin ang inconsistencies sa mga video ni Co, mula sa nagbabagong kuwento hanggang sa magkakaibang itsura nito sa bawat recording.

“Mas maganda pong tapusin muna niya ang kaniyang mga video dahil tuwing may napupunang inconsistencies, nagbabago rin ang kuwento,” ani Castro.

Binigyang-diin din ng Palasyo ang paiba-ibang timeline ni Co na una’y iginiit nitong taong 2022 nagsimula ang umano’y pag-uusap tungkol sa pondo ng gobyerno, bago binago sa 2024—isang bagay na tinutukoy na problema ng ilang legal analysts.

Samantala, tumanggi munang magkomento ang Palasyo sa mga ulat na maaaring konektado si Co sa ilang grupong umano’y naglalayong pabagsakin ang administrasyon.

Si Co, na umano’y nasa abroad, ay naglabas ng serye ng videos na nag-uugnay kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez, at iba pang opisyal sa mga umano’y iregularidad sa proseso ng budget.

May kinahaharap na mga kaso ang dating kongresista at kasalukuyang subject ng isang Interpol blue notice.

Tungkol naman sa posibilidad ng paghingi ng tulong sa Interpol para mapabilis ang aksyon laban sa dating kalihim, sinabi ni Castro na kasalukuyang pinag-aaralan ng law enforcement agencies ang kanilang susunod na hakbang. –VC