IBCTV13
www.ibctv13.com

Palasyo, nanawagan ng maingat na pag-uulat sa media kaugnay ng Zamboanga school shooting

81
Views

[post_view_count]

PCO Secretary Dave Gomez. (Photo from PCO)

Nanawagan ang Malacañang sa state at private media organizations na maging maingat at responsable sa pag-uulat ng mga insidenteng sangkot ang mga menor de edad, kasunod ng insidente ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga Grade School sa Zamboanga City nitong Martes, Agosto 18.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, dapat pairalin ng state media ang pinakamataas na antas ng pag-iingat sa pag-uulat ng mga ganitong insidente upang mapangalagaan ang dignidad, kaligtasan at privacy ng mga mag-aaral.

Bagaman hindi magtatakda ng panuntunan para sa mga private media organization, ipinanawagan ni Gomez na maging maingat sa kanilang coverage, partikular sa mga detalyeng maaaring makompromiso ang kapakanan ng mga biktima at kanilang mga naulilang pamilya.

Samantala, sa press briefing ngayong araw, Agosto 19, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na nagpapatuloy ang mga hakbang ng Department of Education (DepEd) upang palakasin ang seguridad sa mga paaralan.

Ayon sa DepEd, bago pa man magsimula ang school year noong Hunyo ay inatasan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ahensya na magsagawa ng nationwide school safety audit.

Kabilang sa mga hakbang ang pagsasagawa ng bag inspection, paglalagay ng metal detectors at closed-circuit television cameras (CCTVs), at pagdaragdag ng security guards, lalo na sa malalaking paaralan.

Ipinatutupad din ng DepEd ang strengthened school safety protocols alinsunod sa direktiba ng Pangulo noong nakaraang taon.

Isang nationwide school safety drill naman ang isasagawa sa Agosto 25, upang mas maging handa ang mga paaralan sa iba’t ibang posibleng emergency at banta sa seguridad.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), patuloy ang koordinasyon nito sa DepEd, Department of the Interior and Local Government (DILG), mga lokal na pamahalaan at mga paaralan upang matiyak ang seguridad ng mga estudyante at buong school community.

Tiniyak din ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pangunguna ni Secretary Sonny Angara, na kabilang sa mga paglalaanan ng pondo ng ahensya mula sa 2027 National Expenditure Program (NEP) ang pagpapalakas ng security measures sa mga pasilidad ng pamahalaan.

“Maasahan po na mayroong ilalaan na pondo para sa mas pinatinding seguridad sa ating mga kabataan, lalong-lalo na sa ating mga eskwelahan,” ani Castro. VC