Inilagay sa high alert ang Palawan at Basilan kasabay ng paglulunsad ng Long March 8A rocket ng People’s Republic of China, mula sa Wenchang Spacecraft Launch Site sa Hainan.
Isinagawa ang rocket launch ng Long March 8A mula 9:22 a.m. hanggang 10:16 a.m. ngayong araw, Pebrero 11.
Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), posibleng bumagsak ang mga debris ng rocket sa tatlong tinukoy na drop zones:
Drop Zone 1: 85 nautical miles mula Rozul Reef
Drop Zone 2: 40 nautical miles mula Puerto Princesa, Palawan
Drop Zone 3: 33 nautical miles mula Hadji Muhtamad, Basilan
Isang Memorandum Order 35 ang inilabas ng OCD Deputy Administrator for Operations para sa pansamantalang pagbabawal sa pagpalaot sa mga drop zones, ‘Notices to Mariners’, at Coastal Navigational Warnings ng Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of Interior and Local Government (DILG) at DENR-NAMRIA.
Nagbigay din ng babala ang Philippine Space Agency (PhilSA) laban sa paglapit at pagkuha ng mga posibleng debris ng rocket dahil maaaring may taglay ito ng mga nakalalasong kemikal.
Inaabisuhan ang paggamit ng personal protective equipment (PPE) sakaling hindi maiwasan ang paghawak.
Patuloy na pinapaalalahanan ang mga residente at mangingisda na agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang makikitang debris upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko. – VC