
Hindi na naghintay ang pamahalaan na tumuntong ng taong 2027 bago maghanda para sa posibleng epekto ng El Niño, dahil sinimulan na nito ang mga hakbang upang maprotektahan ang produksyon ng agrikultura at seguridad sa pagkain.
Ito ang sinabi ni Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Kim Robert De Leon sa isinagawang briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senado nitong Huwebes, Agosto 27, hinggil sa panukalang P7.2-trilyong National Expenditure Program (NEP) para sa susunod na taon.
Ayon kay De Leon, kasama na sa Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Framework ang mga hakbang para matulungan ang sektor ng agrikultura na makapaghanda laban sa El Niño.
“Actually, Your Honor, we have started preparing for the possible effect of El Niño as early as now, that is why we have facilitated some augmentation to the Department of Agriculture to start front-loading some farm inputs,” ani De Leon.
Sa pagdinig, iginiit ni Senator Risa Hontiveros na kailangang paghandaan agad ang El Niño dahil maaari itong makaapekto sa mga magsasaka at suplay ng pagkain.
Kaugnay nito, tinanong ng senadora kung paano makatutulong ang panukalang 2027 NEP sa mga magsasaka na maaaring maapektuhan ng matinding tagtuyot.
Bilang tugon, sinabi ni De Leon na pinag-aaralan na ng gobyerno ang karagdagang suporta para sa irigasyon, bukod sa pagbibigay ng fertilizer at fuel.
Tinitingnan din ang paggamit ng solar-powered irrigation systems sa pamamagitan ng National Irrigation Administration (NIA).
Maaari ring gamitin ang National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) kung hindi sapat ang regular na pondo ng mga ahensya para tugunan ang epekto ng El Niño.
Sa panukalang 2027 national budget, P45.67 bilyon ang inilaan para sa NDRRMF, mas mataas ng 14.68% kumpara sa pondo ngayong 2026.
Gagamitin ang pondo para sa paghahanda, pagtugon at pagbangon mula sa mga kalamidad at matitinding kondisyon ng panahon.
Ayon pa kay De Leon, ginagamit na rin ng National Food Authority (NFA) ang kasalukuyan nitong pondo para sa rice buffer stocking o pag-iimbak ng sapat na suplay ng bigas.
Maaari ring gamitin ang kasalukuyang pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para kumpunihin ang mga rainwater collection facility na nasira.
Layunin ng mga hakbang na maagang maprotektahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at matiyak ang seguridad sa pagkain, habang sinisigurado na may sapat na resources ang pamahalaan upang mabilis na makaresponde sakaling lumala ang epekto ng El Niño. – IP











