
Muling pinangunahan ni First Lady Liza Araneta-Marcos ngayong araw, Hunyo 25, ang pamamahagi ng libreng 10-kilong dekalidad na bigas sa 500 pamilya sa Zone 38, District 3, Sta. Cruz, Manila, sa ilalim ng programang “Mula sa Puso Para sa Pamilya.”
Layunin ng programa na maiparating ang tulong sa iba’t ibang mga komunidad upang mabawasan ang epekto ng kahirapan sa mga pamilyang nangangailangan.
Ayon sa First Lady, bagama’t hindi agad tuluyang malulutas ang kahirapan, mahalaga ang patuloy na pagbibigay ng suporta sa mga komunidad.
“Hindi man natin tuluyang maalis ang kahirapan, maaari naman tayong makatulong upang mabawasan ang kanilang pasanin sa mga darating na araw,” saad ng Unang Ginang.
Ipinabatid naman ng First Lady ang pasasalamat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa patuloy na suporta ng mamamayan sa administrasyon.
Ang ipinamahaging bigas ay binili ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila mula sa mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF).
Dumalo sa distribusyon sina Manila City Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Angela Lei Atienza, na kapwa nagpahayag ng suporta sa mga programa ng pamahalaan na naglalayong tulungan ang vulnerable sector.
Ang Sta. Cruz ang ikaapat na lugar na pinuntahan ng First Lady para dalhin ang rice distribution program, kasunod ng mga naunang aktibidad sa Quezon City at Tondo. – VC











