
Nagbaba ng kautusan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa Pambansang Pagluluksa para sa pagpanaw ni Pope Francis na epektibo hanggang sa araw ng libing ng pointiff ngayong darating na Sabado, Abril 26.
Sa bisa ng Proclamation No. 871 na nilagdaan ng Pangulo ay itataas ng half-mast ang watawat ng Pilipinas mula pagsikat ng araw hanggang dapit-hapon sa lahat ng government buildings at installations sa buong bansa at abroad bilang pagkilala sa yumaong Santo Papa.

Pumanaw si Pope Francis, na isinilang bilang Jorge Mario Bergoglio, noong Lunes, Abril 21, sa edad na 88. Siya ang ika-266 na Santo Papa ng Simbahang Katolika, ang kauna-unahang Jesuit, kauna-unahang Latin American, at unang non-European na Papa sa loob ng mahigit 1,200 taon.
Sa loob ng 12 taon ng kanyang pamumuno, pinangunahan ni Pope Francis ang higit 1.3 bilyong Katoliko sa buong mundo, kabilang ang milyun-milyong Pilipino.
Matatandaang nagtungo si Pope Francis sa Pilipinas para sa kanyang Apostolic Visit noong Enero 2015, kung saan nag-alay siya ng pakikiramay sa mga biktima ng Bagyong Yolanda at pinagtibay ang pananampalataya ng mga Pilipino sa gitna ng mga pagsubok.
Ayon sa proklamasyon, ang pagpanaw ni Pope Francis ay isang sandali ng matinding dalamhati para sa Simbahang Katolika at sa sambayanang Pilipino, na kinikilala siya bilang isang global na lider ng pagkakaisa, kapayapaan, at katarungan na naging dahilan upang kilalanin ito bilang ‘People’s Pope’. – ALY