
Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) ang buong suporta at tulong ng pamahalaan sa naulilang pamilya ni Leah Mosquera, isang overseas Filipino worker (OFW) na nasawi sa Israel matapos tamaan sa isang Iranian missile attack sa lungsod ng Rehovot, Israel noong Hunyo 15.
Si Mosquera ay isa sa apat na Pilipinong nasugatan sa naturang pag-atake na agad namang isinugod noon sa ospital ngunit idineklarang kritikal ang kondisyon.
Bagaman nagkaroon ng kaunting senyales ng pagbuti sa kanyang kalagayan nang bisitahin ng kanyang kapatid noong Biyernes, Hulyo 11, kalauna’y binawian pa rin ng buhay si Mosquera, Hulyo 13.
Nangako naman ang DMW na sasagutin ng pamahalaan ang lahat ng gastusin mula sa pagpapauwi sa kanyang labi, burol at libing.
Kabilang din sa mga ibibigay na suporta ay ang pinansyal na tulong sa kanyang pamilya at pamasahe pauwi ng kanyang kapatid na nagtatrabaho rin bilang caregiver sa Israel.
Nagpahayag na ng taos-pusong pakikiramay ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamilya ni Mosquera at kinilala ang pagpanaw nito bilang simbolo ng kabayanihan ng maraming OFWs na patuloy na nagsasakripisyo sa ibang bansa para sa kinabukasan ng pamilya.
Samantala, nagpapatuloy ang voluntary repatriation program para sa mga OFW na nais nang bumalik sa Pilipinas kasabay ng tumitinding tensyon sa Middle East. – VC