Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rekumendasyon na tanggalin sa pwesto si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco ngayong araw, Setyembre 9.
Sa gitna ito ng ‘pending probe’ kaugnay sa pagtakas ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa Pilipinas noong Hulyo.
Ayon kay DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla, nawalan na ng tiwala ang kagawaran kay Tansingco.
“We completely lost any trust or confidence in him,” pahayag ni Remulla.
Bagaman kinumpirma ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na wala silang makalap na ebidensya na magpapatunay na may tauhan ng BI na tumulong sa pagtakas ni Guo, iginiit ng DOJ Secretary ang “accountability” ng commissioner sa mga isyu sa loob ng ahensya.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na pananagutin ang lahat ng kawani ng pamahalaan na may kinalaman sa pagtakas ni Guo sa bansa.
“Let me be clear: Heads will roll. There is no room in this government for anyone who places personal interest above serving the Filipino people with honor, integrity and justice,” pagbibigay-diin niya. – VC