Ipinangako ni President Ferdinand R. Marcos Jr. ang buong pwersang pagtutok ng gobyerno upang matiyak ang pagpapaabot ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Enteng.
Sa isang pahayag, iniulat ng Pangulo na may kabuuang P16-milyon halaga ng tulong ang naipamahagi na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga lubhang napuruhan ng bagyo.
Tiniyak pa ng Pangulo na patuloy na nakaantabay ang iba’t ibang rescue teams kung saan higit 63,000 na mamamayan ang matagumpay na nailikas sa 452 evacuation centers.
Bagaman lumabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo, ipinangako ng punong-ehekutibo na tuluy-tuloy lamang ang pagpapaabot ng tulong ng pamahalaan hanggang sa humupa ang baha.
Nitong Martes, Setyembre 3, personal na binisita ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang mga naapektuhan ng bagyong Enteng sa mga evacuation center sa Antipolo City, Cainta, Rizal, at San Pedro, Laguna. -VC