Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isusulong ang ‘agriculture courses’ sa Pilipinas bilang bahagi ng pagsisikap ng administrasyon na hikayatin ang mga mag-aaral na kumuha ng ‘agricultural studies’ upang mapalakas ang produksyon ng pagkain sa bansa.
Sa kanyang mensahe sa pamamahagi ng certificates of Land Ownership Award (CLOA) at e-titles sa Coron, Palawan ngayong Huwebes, Setyembre 19, binanggit ng punong ehekutibo na karamihan sa mga mag-aaral ay hindi gustong kumuha ng mga kurso sa agrikultura.
“Ngunit kailangan natin ng mga magsasaka. Kaya’t kasama po sa charter ng Agrarian Reform Program na ang lahat ng mga kabataan na dumaan at naging estudyante sa kurso ng agrikultura ay mabibigyan din… ng lupa,” saad ni Pangulong Marcos Jr.
Hindi bababa sa 19 agriculture graduates ang nakatanggap ng kanilang CLOA mula kay Pangulong Marcos Jr. sa nasabing probinsya.
Umaasa ang Pangulo na mapakikibangan ito ng mga nagsipagtapos para sa paglulunsad ng makabago at maunlad na pamamaraan ng pagsasaka. -VC