Inaanyayahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng Pilipino na tangkilikin ang sampung pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival (MMFF) na umarangkada nitong araw ng Kapaskuhan at tatagal hanggang Enero 7, 2025.
Nagpaabot ng mainit na pagbati ang Pangulo para sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng MMFF kung saan kinilala niya ang festival bilang mahalagang bahagi ng buhay at kultura ng mga Pilipino.
“Bahagi na ng ating buhay at kultura bilang Pilipino…tangkilikin po natin ang kwentong Pilipino, suportahan po natin ang Metro Manila Film Festival 2024,” panghihikayat ng Pangulo.
Bilang suporta sa lokal na industriya ng pelikula, hinikayat din ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mga pamilya na panoorin ang mga pelikula, na itinuturing nilang mahalaga sa pagpapamalas ng galing at talento ng mga Pilipino.
Ayon kay MTRCB Chairperson Lala Sotto-Antonio, ang MMFF ay isang plataporma para sa mga direktor, producer, at aktor upang ipakita ang kanilang mga obra.
Ang mga pelikula ngayong taon ay sumasalamin sa iba’t ibang tema at kwento, mula sa komedya hanggang sa drama, na tiyak na mapupusuan ng lahat ng klase ng manonood.
Isang makulay na parada ng mga bituin ang isinagawa noong Disyembre 21 bilang bahagi ng pagsisimula ng festival. Dumalo dito ang mga kilalang artista tulad nina Vilma Santos, Aga Muhlach, at Vice Ganda, na nagbigay liwanag at kasiyahan sa kalsada.
Sa kabila ng inaasahang masamang panahon ngayong holiday season, nananatiling matatag ang suporta ng publiko para sa MMFF.
Ayon sa mga ulat, hindi napigilan ng ulan ang mga tao na manood at suportahan ang kanilang mga paboritong artista at pelikula. – VC