
Isinusulong ni Senador Jinggoy Estrada sa Senado ang Senate Bill No. 1074, o “Overseas Filipino Workers (OFWs) Remittance Protection Act,” na layong pababain ng kalahati ang remittance fees na sinisingil sa mga OFW para sa mga perang ipinapadala sa Pilipinas.
Ayon kay Estrada, ang panukala ay magsisilbing proteksyon sa mga konsyumer habang pinapalakas ang ekonomiya ng bansa.
Sa ilalim ng SB 1074, inaatasan ang mga bangko at non-bank financial intermediaries na ipatupad ang 50% discount sa remittance fees, kung saan papayagan ang mga institusyong susunod dito na ituring ang ibinawas na halaga bilang deductible operating expense para sa buwis.
Batay sa opisyal na datos, umabot sa $38.34 billion ang perang ipinadala ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa noong 2024, 3% na mas mataas kumpara noong 2025, patunay ng mahalagang papel ng OFWs sa paglago ng pambansang ekonomiya.
Maliban sa pagpapababa ng bayarin, layon din ng panukalang batas na higpitan pa ang patakaran sa operasyon ng mga remittance service provider.
Inaatasan ang mga ito na ganap na ipaalam ang katumbas na halaga ng palitan sa piso habang ipinagbabawal ang mga hindi awtorisadong kaltas at ang pagpapatupad ng dagdag-singil nang walang koordinasyon sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno.
Hindi rin pahihintulutan ng panukala ang paggamit ng remitted funds nang walang abiso mula sa OFW o benepisyaryo nito, pati na ang paniningil ng halagang lampas sa itinakda ng batas.
Kasabay nito, inaatasan din ang mga ahensya ng gobyerno na maglunsad ng libre at mandatoryong financial literacy programs para sa mga OFW at kanilang pamilya, saklaw ang financial planning, parusang pagkakakulong, at multa na hanggang P750,000, bukod pa sa mga parusang itinakda sa umiiral na banking laws. – VC











