Inihain ng House Quad Committee ang House Bill (HB) No. 10986 o ang Anti-Extrajudicial Killing Act na layong ituring ang extrajudicial killings (EJKs) bilang heinous crime at nagtatakda ng matinding kaparusahan sa mga nagkasalang awtoridad.
Ang panukala ay kasunod ng mga natuklasan at rekumendasyon ng komite na nag-iimbestiga sa mga kaso ng EJK sa bansa.
Sa ilalim ng panukala, bubuo ng mga legal na pamantayan na magagamit sa pagtugon sa extrajudicial killings at matiyak na mapapanagot ang sinumang indibidwal na mapatutunayang nagpahintulot at kumunsinti sa naturang gawain.
“The lack of accountability for such crimes contributes to a culture of impunity, where perpetrators believe they can act without fear of legal consequences,” saad sa explanatory note ng panukala.
Nakasaad pa sa panukala na ang mga state agent o public officer na hahatulang ‘guilty’ ay mahaharap sa habang-buhay na pagkakakulong o reclusion perpetua na walang parole.
“Any superior military, police or law enforcement officer or senior government official who issued an order to any lower ranking personnel to commit an extrajudicial killing for whatever purpose shall be equally liable as principals,” saad dito.
Kabilang sa mga may-akda ng panukala sina Quad Committee co-chairmen Reps. Robert Ace Barbers, Bienvenido “Benny” Abante, Dan Fernandez, Stephen Joseph “Caraps” Paduano, gayundin sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. at Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez. -VC