IBCTV13
www.ibctv13.com

Panukalang batas na magpapahintulot kay PBBM na suspendihin, bawasan ang buwis sa petrolyo, inihain ng isang mambabatas

Michael Peronce
68
Views

[post_view_count]

N/A

Naghain ng House Bill (HB) No. 8257 si Committee on Ways and Means Chairperson at Marikina 2nd District Rep. Atty. Miro Quimbo na magbibigay-kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na suspindihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo tuwing may national o global economic emergencies.

Layon ng panukala na amyendahan ang Section 148 ng 1997 National Internal Revenue Code (NIRC) para payagan ang Pangulo, sa rekumendasyon ng kalihim ng Department of Finance (DOF), na pahintuin ang pagpapatupad ng excise taxes sa mga sumusunod na kondisyon:

Pag-akyat o paglagpas sa $80 kada bariles ng Dubai crude oil sa loob ng hindi bababa sa tatlong buwan

Pagdedeklara ng State of National Emergency o Calamity ng Pangulo na nagresulta sa pambihirang pagtaas sa presyo ng petrolyo

Maaaring iimplementa ang suspensyon sa ilang produkto ng langis, kung saan maaari itong ipatupad nang buo o bahagya lamang na pagbawas sa kasalukuyang halaga ng excise tax nang hindi lalagpas sa anim na buwan.

Sa oras naman na mapaso na ang suspension period sa nasabing buwis, agad na ibabalik ang nararapat na excise tax rates sa petrolyo nang hindi na kinakailangan pa ng aksyon mula sa legislative at executive branches.

Matatandaan nitong Martes, Marso 3, inanunsyo ni Pangulong Marcos Jr. ang planong pakikipag-usap sa mga lider ng kapulungan ng Kongreso para sa kapangyarihang pansamantalang itigil o bawasan ang buwis sa langis sakaling magmahal pa ang Dubai crude.

Related Articles

National

Joyce Ann L. Rocamora, Philippine News Agency

401
Views