IBCTV13
www.ibctv13.com

Panukalang batas para sa gov’t housing loan restructuring, condonation program, aprubado ng Kamara

Ivy Padilla
223
Views

[post_view_count]

Photo by NHA

Inaprubahan na ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 11202 na layong magtatag ng low-cost housing loan restructuring at condonation program para sa mga benepisyaryo ng National Housing Authority (NHA) at Social Housing Finance Corporation.

Nakakuha ang HB No. 11202 o ang ‘An Act Establishing a Socialized and Low-Cost Housing Loan Restructuring and Condonation Program’ ng 178 affirmative votes, 3 negative votes at zero abstentions mula sa lahat ng mambabatas.

Binigyang-diin ni San Jose Del Monte City Rep. Florida Robes, may akda ng nasabing bill, na mababa ang occupancy rate sa mga programang pabahay ng pamahalaan dahil hirap ang mga benepisyaryo na magbayad ng buwanang amortisasyon.

Aniya, napipilitan ang karamihan na ibenta o paupahan ang kanilang units kung saan ang iba ay ginagawa itong collateral para sa mga personal loan mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

“In effect, it defeats the purpose of the government housing programs and NHA initiatives to provide decent and affordable housing for the underprivileged and marginalized Filipino citizens,” pagbibigay-diin ni Robes.

Kabilang sa probisyon ng panukala ay ang pag-alis sa mga hindi bayad na interes at penalties ng housing loans, pag-reconstruct ng loan term para mapalawig ang payment period, pagpapababa sa buwanang amortisasyon at pagbibigay ng insentibo sa mga borrower na nagbabayad ‘on time’.

Sakop din nito ang pagpapahintulot sa mga ligal na tagapagmana na ipagpatuloy ang pagbabayad sa natitirang utang sa pabahay sakaling hindi na kayang bayaran ng mismong borrower. – AL