
Naghain si Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong ng House Bill (HB) No. 9887 na naglalayong humiling ng P15 bilyong karagdagang pondo para sa Fiscal Year 2026 kasunod ng tumamang Magnitude 7.8 na lindol sa Sarangani noong Hunyo 8.
Gagamitin ang nasabing pondo para sa pantustos sa tulong-pinansiyal, pagbangon, rehabilitasyon, pagkukumpuni, at muling pagtatayo ng mga nasirang imprastraktura dulot ng mapaminsalang lindol.
Magsisilbi itong dagdag-pondo sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund at inaasahang maghahatid ng agarang tulong sa mga nasalantang komunidad sa Regions XI at XII kung saan libu-libong pamilya ang inilikas at ilang mahahalagang imprastraktura ang lubhang napinsala.
Sa ilalim ng HB No. 9887, tig-P2-B ang ilalaan sa Department of Agriculture (DA), para sa pagkukumpuni ng mga irigasyon at sa direktang tulong sa mga magsasaka at mangingisda, at sa Department of Education (DepEd), para naman sa pagsasaayos at rehabilitasyon ng mga nasirang paaralan.
Mula pa sa P15-B pondo, P2-B din ang ipagkakaloob sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at National Housing Authority (NHA) para sa housing assistance at relocation efforts.
Maglalaan naman ng P1.5 bilyon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa emergency cash assistance, food packs, at temporary shelter, at panibagong P1.5 bilyon sa Department of Health (DOH) para sa hospital repairs, medical equipment, at rehabilitasyon ng mga health facilities.
May karagdagang pondo rin para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga lokal na pamahalaan para sa pagkukumpuni ng mga daan, tulay, community infrastructure, kasama na ang muling pagbabalik-suplay ng kuryente, suporta sa state universities and colleges (SUCs) at transport facilities.
“The people of Mindanao have shown remarkable resilience. It is now our duty as legislators to match that resilience with decisive action and adequate resources. Let us pass this bill without delay so that help reaches the ground as fast as possible,” ayon sa kongresista. – VC











