Inihain ng mag-asawang mambabatas na sina PBA Partylist Rep. Margarita “Atty. Migs” Nograles-Almario at Davao 2nd district Rep. Cheeno Miguel D. Almario ang House Bill No. 11178 o ang panukalang gagawing krimen ang troll farms at pangangampanya ng maling impormasyon na nakatuon sa mga kandidato tuwing eleksyon.
Sa ilalim ng Anti-Troll Farm and Election Disinformation Act, layunin ng panukala na protektahan ang ‘sanctity’ ng halalan sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapanagot sa mga nasa likod nito at pagsusulong ng katotohanan at transparency sa demokratikong proseso.
“Troll farms are not just digital pranks—they are systematic tools designed to deceive voters and distort democracy,” saad ni Rep. Nograles-Almario.
“This bill is our commitment to ensuring that the voice of the Filipino people remains genuine and untainted by lies.” dagdag niya.
Ang sinumang mapapatunayang sangkot sa mga ganitong gawain ay parurusahan ng pagkakakulong mula anim hanggang 12 taon at pagmumultahin mula P500,000-P10-milyon.
Maaari namang ma-disqualify ang mga kandidatong nakikinabang mula sa maling impormasyon.
Pananagutin din ang mga online platforms sa kanilang pagkukulang na alisin ang maling impormasyon nang may kasamang malaking multa.
“This is about restoring trust in our democratic institutions,” saad ni Rep. Cheeno Almario.
Bibigyan ng panukalang batas ng kapangyarihan ang Commission on Elections (COMELEC) na makipagtulungan sa mga ahensya tulad ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at National Bureau of Investigation (NBI) upang subaybayan at imbestigahan ang mga troll farms.
Inaatasan naman ng HB 11178 ang Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Department of Information and Communications Technology (DICT) na magtaguyod ng mga kampanya para sa voters education para sa kamalayan at kritikal na pag-iisip online ng mga botante.
“Education is a long-term solution. By equipping the public with the tools to recognize and combat disinformation, we can nurture a more informed and responsible electorate,” binigyang-diin ni Rep. Nograles-Almario.
Hinimok din ng mag-asawang kongresista ang mga kapwa nila mambabatas at iba pang sektor na suportahan ang panukalang batas at kasabay nito ay binigyang-diin na ang pagsugpo sa troll farms at election disinformation ay responsibilidad ng lahat.
“This legislation is not just about combating today’s challenges; it’s about safeguarding the future of our democracy for generations to come. We owe it to the Filipino people to ensure that their votes and voices are protected,” saad ni Rep. Almario. – VC