
Sinimulan na ng House Committee on Ways and Means ang pagtalakay sa panukalang magbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pansamantalang suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo, kasunod ng posibleng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Sa briefing ng komite na pinamumunuan ni Marikina City Rep. Miro Quimbo, ipinaliwanag ang mga implikasyon nito sa ekonomiya habang ang buong pagdinig ay isasagawa sa Miyerkules, Marso 11.
Ayon kay Quimbo, kailangang mapabilis ang pag-apruba sa panukalang batas habang hinihintay ang presidential certification upang agad itong maipasa.
Sa ilalim ng panukala, maaaring payagan ang Pangulo na pansamantalang suspendihin ang excise tax sa fuel kapag umabot sa hindi pangkaraniwang antas ang presyo ng langis.
Nagbabala naman ang Department of Economy, Planning and Development (DepDev) na maaaring lumampas sa target range ng pamahalaan ang inflation kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng krudo.
Batay sa simulation na inilahad sa briefing, maaaring umabot sa 4.5% hanggang 5.1% ang inflation sa isang scenario, habang maaaring pumalo sa 6.3% hanggang 7.5% sa mas matinding sitwasyon.
Samantala, sinabi ni Sharon Garin ng Department of Energy (DOE) na posibleng tumaas sa P17 hanggang P24 kada litro ang presyo ng fuel, na maaaring magdulot ng pagtaas sa pamasahe, presyo ng pagkain, at iba pang pangunahing bilihin.
Ayon kay Garin, may P6 kada litro na excise tax ang diesel at ang suspensyon nito ay maaaring magbigay ng ginhawa sa mga commuter at transport operators.
Gayunman, nagbabala ang Department of Finance (DOF) tungkol sa posibleng epekto nito sa pananalapi ng bansa.
Batay sa datos na iniharap din sa briefing, aabot sa humigit-kumulang P276 bilyon kada taon ang kinokolektang buwis mula sa fuel, kabilang ang P160 bilyon mula sa excise tax at P116 bilyon mula sa value-added tax (VAT).
Kung sususpendihin ang excise tax sa fuel mula Mayo hanggang Disyembre, tinatayang aabot sa P136 bilyon ang mawawalang kita ng pamahalaan na maaari umanong mabawi ang bahagi nito sa mas mataas na koleksyon ng VAT kung patuloy na tataas ang presyo ng langis.
Ayon kay Quimbo, layunin ng komite na matiyak na ang anumang tugon sa pagtaas ng presyo ng langis ay nakabatay sa matibay na datos pang-ekonomiya, habang pinangangalagaan ang kapakanan ng mga sektor na higit na maaapektuhan.
Giit ng kongresista, nais ng Kamara na magkaroon ng malinaw na mga safeguard upang matiyak na ang mga mamimili, at hindi ang mga oil companies, ang higit na makikinabang sa anumang suspensyon ng buwis. – VC











