IBCTV13
www.ibctv13.com

Panukalang lagyan ng buwis ang mga digital transactions, nakatakdang isabatas sa Oktubre

Alyssa Luciano
357
Views

[post_view_count]

(File Photo)

Nakatakda nang lagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Senate Bill 2528 o ang Value-Added Tax (VAT) on Digital Transactions Bill bilang isang ganap na batas sa darating na Miyerkules, Oktubre 2.

Sa ilalim ng panukala ay papatawan ng 12 percent na VAT ang mga transaksyon na ginagawa ng mga Pilipino online mula sa mga nonresident digital service provider.

Aamyendahan nito ang ilang mga provision mula sa National Internal Revenue Code (NIRC) na magsasaayos ng pagkolekta ng buwis para mas lalong makatulong sa ekonomiya ng bansa.

Ayon kay Senate President Francis Escudero, gagawing patas ng panukala ang ‘playing field’ para sa mga local at foreign digital service providers.

“Lahat ng negosyo, malaki man o maliit, ay nagbabayad ng buwis. Hindi naman yata makatarungan na ang mga higanteng negosyante na hindi naka-base sa Pilipinas pero kumikita ng malaki sa pagbenta ng kanilang mga serbisyo sa mga Pilipino ay hindi sakop ng parehas na buwis,” paliwanag ng senador.

Kabilang sa mga serbisyong lalagyan na ng buwis ay ang online search engine, online market place o e-market place, cloud services, online streaming at download media, pati na rin ang advertising.

Tinatayang P83.8 billion ang maibibigay na revenue sa Pilipinas ng panukala sa oras na maisabatas sa loob ng 2024 hanggang 2028.

Matatandaang inihain noong Enero ni Senator Sherwin Gatchalian, Committee on Ways and Means Chairman, ang naturang panukala kasama si Senator Pia Cayetano. – VC

Related Articles