IBCTV13
www.ibctv13.com

Panukalang magpapahintulot sa Pangulo na suspendihin ang excise tax sa petrolyo, pasado na sa House Committee level

Kristel Isidro
84
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. (Photo courtesy of HOR, PBBM/Facebook)

Lusot na sa House Committee on Ways and Means ngayong Martes, Marso 10, ang substitute bill na magbibigay ng kapangyarihan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pansamantalang suspendihin ang excise tax sa mga produktong petrolyo upang maprotektahan ang mga Pilipino laban sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Pinag-isa nito ang 15 na magkakahiwalay na panukalang batas at dalawang joint resolutions, kabilang ang House Bill No. 8292 na inihain ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III kasama si Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos.

Isinama rin sa substitute bill ang House Bill No. 5779 na inihain ni Leyte Rep. at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na layong amyendahan ang Republic Act No. 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Sa ilalim ng panukala, maaaring suspendihin o bawasan ng Pangulo ang excise tax sa petroleum products sa rekomendasyon ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), at koordinasyon ng Department of Energy (DOE).

Maaring gamitin ang kapangyarihang ito kung ang average na presyo ng Dubai crude oil batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS) ay umabot na sa $80 kada bariles sa loob ng isang buwan.

Maaari ring magpatupad ng suspensyon kung magdedeklara ang Pangulo ng national emergency bunsod ng hindi pangkaraniwang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, batay sa energy secretary.

Pinapayagan ng panukala ang buong suspenyon o pagbabawas lamang ng excise tax, at maaring ipatupad sa piling petroleum products, na magiging epektibo hanggang Disyembre 31, 2028.

Inaatasan din ng panukala ang Pangulo, sa pamamagitan ng finance secretary, na magsumite ng ulat sa Kongreso sa loob ng 15 araw mula nang ipatupad ang suspension order at buwan-buwan pagkatapos nito.

Dapat nakalahad dito ang batayan ng desisyon, ang tinatayang mawawalang kita ng gobyerno, at ang inaasahang epekto sa inflation, presyo ng langis, at galaw ng ekonomiya.

Nakasaad din sa panukala ang malinaw na mga safeguard kung kailan at paano maaring gamitin ng Pangulo ang naturang awtoridad. – VC