Naghain si Senator Robin Padilla ng Senate Bill (SB) 2899 na naglalayong protektahan ang mga celebrity endorsers mula sa pagkakasangkot sa mga iligal na investment scams.
Sa ilalim ng SB 2899 o tinatawag na Product Endorsers Protection Act, maiiwasan na ang mga insidente tulad ng nangyari kay Nerizza “Neri” Naig-Miranda, asawa ng Parokya Ni Edgar vocalist Chito Miranda, na naaresto dahil sa alleged syndicated estafa at paglabag sa Securities Regulation Code.
“Recent events reveal a growing concern for the welfare of endorsers whose names are dragged into various investment scams,” saad ni Padilla.
“Oftentimes, they are the first ones to be accused of crimes related thereto just because their names and faces were made prominent by companies who secured their services as endorsers,” dagdag niya.
Nakasaad sa batas na kinakailangan ilahad sa product endorsement agreements ang partikular na klase ng negosyo at produkto na sakop ng endorsements.
Malinaw din dapat na nakalahad sa pipirmahang agreements kung ang negosyo ay sangkot sa pagbebenta ng investment contracts at iba pang securities.
Ang sinumang endorser na kakatawan bilang ahente ng negosyo na walang pahintulot ay pagmumultahin ng P100,000 para sa unang paglabag; P300,000 para sa ikalawang paglabag; at P500,000 hanggang P1 milyon kasama ang kanselasyon ng Certificate of Registration para sa ikatlong paglabag.
Ang panukalang batas na ito ay naglalayong bigyang-proteksyon ang mga personalidad mula sa mga iligal na gawain at mapanatili ang kanilang integridad. – VC