IBCTV13
www.ibctv13.com

PAOCC, walang nahanap na ebidensya vs. BI personnel na posibleng sangkot sa pagtakas ni Alice Guo

Ivy Padilla
314
Views

[post_view_count]

Iniulat ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesman Dr. Winston Casio na wala silang makalap na ebidensya na magpapatunay na may posibleng tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na tumulong kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo para makaalis ng Pilipinas.

Sa isang interview, sinabi ni Casio na wala silang ebidensya na nagtungo ang sinibak na alkalde sa immigration office bago tumakas kasama ang kanyang pamilya.

Base rin sa testimonya ng kapatid ni Alice na si Sheila Guo, tumakas sila gamit ang ferries kung saan hindi na kailangan pang magtungo sa anumang opisina ng BI.

“Chances are there was no immigration personnel who accommodated or facilitated her getting out of the Philippines. But again, that was the testimony of Shiela. We’d have to listen to the testimony of Alice,” paliwanag ni Casio.

“I am 100% certain that in this particular retrieval, repatriation, possible repatriation of Alice, this is the work, the hard work of the people from the Bureau of Immigration,” dagdag ni Casio.

Nagpasalamat naman si BI Commissioner Norman Tansingco sa PAOCC para sa pagkilala sa pagsisikap ng ahensya na mapabalik si Alice Guo sa bansa.

Sa ngayon, nagpadala na ng mga tauhan ang BI sa Indonesia para personal na subaybayan ang pag-usad ng pagpapabalik kay Guo sa bansa.

Sa oras na makabalik ang dating alkalde, mahaharap ito sa deportation case, gayundin sa iba pang mga kaso na may kaugnayan sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Nangako si Tansingco na patuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa Department of Justice (DOJ) upang maibigay ang hustisya laban sa mga nagkasala sa bansa.

Una nang nahuli ng Indonesian authorities sina Sheila Guo at umano’y POGO incorporator na si Cassandra Li Ong habang papalabas ng naturang bansa noong Agosto 22.

Sunod namang nadakip ng mga awtoridad si Alice Guo sa isang hotel sa Tangerang City, Indonesia bandang 1:30 a.m. nitong Setyembre 4.

Inaasahang darating sa bansa si Alice Guo mamayang 6:18 p.m sakay ng chartered flight RP-C6188 buhat ng Jakarta, Indonesia. -VC

Related Articles