Suspendido ang pasok ng mga empleyado sa ehekutibong sangay ng gobyerno pagsapit ng 3:00 ng hapon sa darating na Lunes, Setyembre 23, upang mabigyan ng pagkakataon na magkaroon ng oras sa kani-kanilang pamilya.
Ito ay alinsunod sa Proclamation No. 60, series of 1992 na nagdedeklara sa huling linggo ng Setyembre taun-taon bilang “Family Week” at Proclamation No. 326, series of 2012 na nagdedeklara naman sa tuwing ikaapat na Lunes ng Setyembre bilang “Kainang Pamilya Mahalaga” Day.
Paglilinaw ng Malacañang, hindi rito kasama ang mga ahensya na nasa linya ng basic and health services, preparedness and response to disasters and calamities at iba pang mahahalagang serbisyo.
Kaugnay nito, hinihikayat ang lahat ng manggagawa sa ehekutibong sangay na suportahan ang mga programa at aktibidad na may kaugnayan sa selebrasyon ng “Family Week” na inorganisa ng National Committee on the Filipino Family. -VC