
Pumalo na sa 19 katao ang napaulat na nasawi sa Mindanao kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa Maasim, Sarangani, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) as of 3:00 p.m. ngayong Lunes, Hunyo 8.
Mula sa bilang, 16 ang nasawi mula sa Region 12 SOCCSKSARGEN habang tatlo ang galing sa Davao Region.
Nakapagtala naman ang NDRRMC ng 134 sugatan at 12 kasalukuyang nawawala.
Ang mga datos ay sumasailalim pa sa validation ng bawat Local Disaster Risk Reduction and Management Office ng mga apektadong lugar.
Samantala, aabot sa halos 10,000 pamilya sa Sarangani at Sultan Kudarat ang ligtas na nailikas kasunod ng lindol.
Sa Davao del Sur, nasa 28 pamilya o katumbas ng 144 indibidwal ang nailikas sa Brgy. Sinawilan, Digos City bunsod ng banta ng tsunami.
Tinatayang 139 pamilya o 1,309 katao naman ang matagumpay na nailikas sa Brgy. Mabila, Balut Island, Davao Occidental.
Mula sa Region 11 at 12, nasa dalawang kabahayan habang 47 imprastraktura ang nagtamo ng pinsala mula sa lindol kabilang na ang General Santos International Airport.
Samantala, iniulat ng Philippine National Police (PNP) na nananatiling passable ang lahat ng kalsada at tulay sa South Cotabato at South Koronadal, habang nagpapatuloy ang assessment sa mga gusali at imprastraktura sa mga probinsya.
Patuloy ang masusing beripikasyon, validation, at monitoring ng mga awtoridad sa kabuuang epekto ng lindol, kabilang ang mga ulat ng pagkasawi, pinsala sa imprastraktura, at eksaktong lokasyon ng mga apektadong komunidad. – VC











