
Pormal nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act (RA) 12322, o ang batas na magbibigay ng malawak na kalayaan sa Department of Education (DepEd) na alamin ang pinakamabisang paraan at estratehiya sa pagtuturo sa basic education curriculum.
Pinirmahan ang RA 12322 nitong Linggo, Agosto 2, na may pamagat na “an act that allows the DepEd the flexibility to determine the pedagogical approaches to be implemented in the basic education curriculum.”
Sa ilalim ng batas, inaatasan ang DepEd na magsagawa ng komprehensibong pagsusuri ng kurikulum kada limang taon para matiyak ang bisa at kaangkupan nito.
“The curriculum shall employ the approach deemed most effective by the DepEd to ensure mastery of knowledge and skills after each level,” batay sa Section 1 ng RA 12322.
Inamyendahan ng naturang batas ang RA 10533, o ang Enhanced Basic Education Act of 2013, na nagmamandato sa paggamit ng kaukulang pamantayan o pamamaraan sa pagtuturo para sa pagpapaunlad ng kurikulum.
Isa sa nagkaroon ng positibong reaksyon para sa batas si Senator Bam Aquino, Principal Sponsor and Co-Author ng Republic Act 10533, na nagsabing hindi na magiging legal pa na obligasyon sa bagong batas ang paggamit ng “spiral progression” sa K to 12.
“Hindi ito nagtatanggal sa spiral progression. Maaari pa rin itong gamitin kung ito ang pinakaangkop sa mga mag-aaral. Ang binabago ng batas ay hindi na ito magiging mandatory, upang mabigyan ang DepEd, mga paaralan, at mga guro ng mas malaking flexibility na gamitin ang paraang pinakamainam para sa kanilang mga estudyante,” ayon sa Senador.
Dagdag pa ni Aquino, sa pamamagitan ng nasabing flexibility, mas mabibigyan ng tiwala ang mga guro at paaralan na gamitin ang pinakamabisang paraan upang masigurong ganap na nauunawaan ng mga mag-aaral ang kanilang aralin.
Magsisimula ang implementasyon ng batas 15 araw matapos ang paglalathala nito sa Official Gazette o sa mga pahayagan. – VC











