
Nakatakdang bumisita si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Kazan, Russia sa darating na Hunyo 18-19 upang lumahok sa ASEAN-Russia Commemorative Summit, ayon kay Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing ngayong Huwebes, Hunyo 11.
Ang summit ay kasabay ng paggunita ng ika-35 anibersaryo ng ugnayan sa pagitan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Russia.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, bilang kasalukuyang ASEAN Chair, pangungunahan ng Pilipinas ang pagsusuri sa ugnayan at kooperasyon ng ASEAN at Russia, habang tatalakayin din ang mga hakbang upang mapalakas pa ang relasyon ng Pilipinas, ASEAN, at Russia.
Nauna nang kinumpirma ni Russian Foreign Minister Sergey Lavrov na magkakaroon ng bilateral meeting sina Pangulong Marcos Jr. at Russian President Vladimir Putin sa sidelines ng ASEAN-Russia Summit.
Sa website ng Russian Ministry of Foreign Affairs noong Hunyo 5, sinabi ni Lavrov na inaasahan nila ang pagdalo sa Kazan ng mga pinuno ng mga bansang kasapi ng ASEAN, partikular na ang Pangulo ng Pilipinas.
“We look forward to welcoming in Kazan the heads of all ASEAN member states, especially the President of the Philippines, Ferdinand Romualdez Marcos Jr.,” ani Lavrov.
Ang Kazan ay itinuturing na ikatlong kabisera ng Russia at naging mahalagang sentro ng multilateral diplomacy ng bansa matapos itong mag-host ng 2024 BRICS Summit. Sa kasalukuyan, isa ito sa mga pangunahing venue ng Russia para sa pakikipag-ugnayan sa mga bansa sa Global South. – VC











