IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, bukas pag-aralan ang mungkahing 4-day workweek para makatipid ng enerhiya

Kristel Isidro
93
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. (Photo courtesy of Anadolu via PNA, PIA)

Bagaman hindi pa napag-uusapan, bukas si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pag-aralan ang pagpapatupad ng apat na araw na workweek sa mga tanggapan ng pamahalaan bilang hakbang sa pagtitipid ng enerhiya sa gitna ng patuloy na tensyon sa Middle East.

Sa press briefing ngayong araw, Marso 4, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na may posibilidad na ikonsidera ng Pangulo ang suhestyon lalo na kung lalala pa ang sigalot sa pagitan ng Israel at Iran.

Nauna nang naglabas ng direktiba ang Pangulo para sa mas mahigpit na pagtitipid sa enerhiya sa lahat ng ahensya ng pambansang pamahalaan, at hinikayat din ang mga lokal na pamahalaan at ang publiko na magsagawa ng kaparehong hakbang.

Nanawagan ang Pangulo sa mamamayan na magtipid sa paggamit ng kuryente at iba pang pinagkukunan ng enerhiya, habang tiniyak na may nakahanda ng hakbang ang gobyerno upang maibsan ang epekto ng sigalot sa ekonomiya ng bansa.

Kaugnay nito, naglabas ng abiso ang Inter-Agency Energy Efficiency and Conservation Committee (IAEECC) para sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan, government-owned and controlled corporations (GOCCs), state universities and colleges (SUCs), at mga lokal na pamahalaan (LGUs), upang hikayatin ang hindi bababa sa 10% na kabawasan sa kanilang konsumo sa gasolina. – VC