
Bukas ang Pilipinas sa posibilidad na bumuo ng isang Visiting Forces Agreement (VFA) kasama ang Germany bilang bahagi ng patuloy na pagpapalawak ng ugnayan ng dalawang bansa sa larangan ng depensa at seguridad sa harap ng nagbabagong geopolitical state sa buong mundo.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos ang kanyang bilateral meeting kasama si German Federal President Frank-Walter Steinmeier ngayong Martes, Hunyo 16.
“Why not? We are probably, in reality, we’re still a long way off of that. But we are actually increasing our engagements, especially in the military and in the defense and the security areas,” ayon sa Pangulo.
Ipinaliwanag ng Pangulo na mahalagang palawakin ng Pilipinas ang mga estratehikong pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang bansa dahil hindi na sapat na umasa lamang sa isang alyansa sa gitna ng nagaganap na geopolitical tensions.
Aniya, kinakailangan nang magkaroon ng mas malawak na partnerships na magiging katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan ng bansa.
Binigyang-diin din ni Pangulong Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagsulong ng multilateralism dahil sa pagkakaugnay ng bawat bansa at kung gaano kabilis naaapektuhan ang mundo lalo na sa panahon ng mga krisis. . – VC











