IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, FL Liza, namigay ng pamaskong regalo sa higit 30,000 kabataan sa bansa

Ivy Padilla
214
Views

[post_view_count]

“Balik Sigla, Bigay Saya” gift-giving activity at Taguig City University Auditorium on Sunday, December 8. (Photo by Jaybee Santiago, IBC News)

Mahigit 30,000 mga bata sa iba’t ibang lugar sa bansa ang tumanggap ng maagang pamasko mula kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos sa ginanap na “Balik Sigla, Bigay Saya Year 3: A Nationwide Gift-Giving Day” ngayong Linggo, Disyembre 8. 

Nasa 17 local government units (LGUs) ang nakiisa sa taunang gift-giving activity sa Metro Manila habang tatlo (3) naman mula sa lokal na pamahalaan sa Visayas at Mindanao. 

Sa datos, nasa 2,199 mga bata ang nabigyan ng kiddie gift set sa Malacañang habang umabot sa 27,899 ang nahandugan sa 17 LGUs at 62 Department of Social Welfare and Development (DSWD) centers sa buong bansa. 

Kabilang sa laman ng nasabing regalo ay trolley bag, unan, kapote, medyas, face towel, tumbler, at relo. 

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. sa kanyang mensahe na ang Pasko ay para sa mga kabataan. 

“Alam niyo naman, basta’t ‘pag pasko ito’y in-open house namin dahil ganiyan talaga ang naging tradisyon sa pamilya namin, Pamilya Marcos. Noong bata pa ako at dito pa kami nakatira, basta’t pasko mayroon kaming handa para sa ating mga maliliit na inaalagaan kaya nandito po tayo ulit,” ani Pangulo. 

“Kagaya nga ng sabi ko ang pasko naman ay para sa mga kabataan kaya’t tinitiyak natin na kahit sino at napadpad sa malalayo, sa kanilang pamilya, sa kanilang mga mahal sa buhay ay kahit paano ay mayroon din silang pasko,” dagdag pa nito. 

Ang nasabing gift-giving activity ay inisyatibo ng Office of the President sa pakikipagtulungan sa DSWD na sinimulan noong 2022. 

Layon nitong iparamdam sa mga bata mula sa mga bahay-ampunan at iba pang lugar sa bansa ang totoong diwa ng Pasko.

Related Articles