IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, ibinida ang P19-B pondo para sa scholarship ngayong taon, pinakamalaki sa kasaysayan ng TESDA

Michael Peronce
108
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. congratulated more than 1,150 students of TESDA as they completed their NC II during the graduation ceremony at Ilocos Norte National High School Gymnasium in Laoag City, Friday, August 7. (Photo courtesy to PCO)

Masayang ibinalita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang halos P19 billion na pondo para scholarship program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ngayong taon, sa harap ng higit 1,150 graduates na nagtapos ng National Certification 2 (NC2) para sa dressmaking at bartending sa Laoag City, Ilocos Norte ngayong Biyernes, Agosto 7.

Ang inilaan na pondo ng pamahalaan para sa TESDA scholarship ang itinuturing na pinakamalaki sa kasaysayan ng ahensya na idinisenyo upang mas marami pa ang mabigyan ng pagkakataong matututo ng kasanayan at magkaroon ng magandang oportunidad sa trabaho.

“Ngayong taon, binigyan natin ang TESDA ng pinakamalaking budget sa kasaysayan nito. Halos PhP19 bilyon ang inilaan natin para sa mga scholarship program upang mas maraming Pilipino pa ang magkaroon ng pagkakataong matuto at magkaroon ng magandang hanapbuhay,” pahayag ng Pangulo.

Sa kanyang talumpati sa mass graduation, pinayuhan ng Pangulo ang mga nagsipagtapos na gamitin nang matalino ang kanilang mga kasanayan at kahusayan para sa ikabubuti ng bayan.

“Sa ating TESDA graduates, gamitin ninyo ang mga aral at kasanayang natutunan ninyo para sa ikabubuti ng ating bayan. Nawa’y dala ninyo ang tatak ng kasipagan at husay ng TESDA at Ilocos Norte saan man kayo magtungo,” mensahe ng Pangulo.

Ibinahagi rin ni Pangulong Marcos Jr. ang mas pinalawak na Enterprise-Based Education and Training (EBET) program para naka-angkla ang mga pagsasanay sa aktwal na pangangailangan ng mga employer, at TESDA Online Program para tugunan ang suliranin ng mga estudyanteng nahihirapang pumasok sa trabaho.

Nagbukas din ng oportunidad ang gobyerno sa tulong ng Technical-Vocational Education and Training (TVET) for Social Equity Program at Micro-credentialing in TVET ng TESDA para mapabilis pa ang pagsasanay at maibigay ang sertipikong kinakailangan ng mga skilled worker.

“Mga kababayan, bahagi lang ang mga programang ito ng ating layuning magbukas ng mas maraming oportunidad para sa bawat Pilipinong handang magsikap para umasenso,” saad pa ng Pangulo.

Sa huli, pinasalamatan ng punong ehekutibo ang mga guro at pribadong sektor na patuloy na humuhubog sa mga Pilipino, at kinilala ang kanilang kahusayan at kasipagan na dahilan upang patuloy pang palawakin ng administrasyon ang training program ng TESDA. – VC