
Muling binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagpapabilis ng proseso ng pagnenegosyo sa bansa sa ginanap na ASEAN Editors and Economic Opinion Leaders Forum, kung saan iginiit niyang malaki ang epekto nito sa paghihikayat ng pamumuhunan at pagpapalago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Sa harap ng mga global businessmen at economic leaders, tinukoy ng Pangulo ang burukrasya at red tapes bilang pangunahing dahilan ng mabagal na pagpasok ng mga negosyo sa bansa.
Aniya, dahil sa dami ng dokumentong kailangang kumpletuhin at pirmahang papeles, naantala ang mga pagtatayo ng negosyo na nagreresulta sa pagbaba ng foreign direct investment (FDI).
Ikinumpara ng Pangulo ang sitwasyon ng Pilipinas sa Singapore, na aniya’y mas investor friendly dahil dalawa o tatlong dokumento lamang ang karaniwang kinakailangan upang makapagsimula ng negosyo.
Giit niya, patuloy na tinututukan ng administrasyon ang pagpapasimple ng mga proseso sa pamahalaan, lalo na ang ugnayan sa pagitan ng mamamayan at gobyerno sa pamamagitan ng digitalization.
Kabilang dito ang inilunsad na e-Government (e-Gov) app na nagbibigay-daan upang maproseso online ang iba’t ibang dokumento at transaksyon sa pamahalaan.
Bukod sa pagiging investor-friendly at pagkakaroon ng economic stability, sinabi rin ng Pangulo na mahalaga ang political stability upang matiyak ang tuloy-tuloy na pag-unlad ng ekonomiya. (Ulat mula kay Eugene Fernandez) – VC











