
Sa layuning mapabilis ang pag-unlad sa imprastraktura sa buong bansa, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglalabas ng P145.56 bilyong pondo sa Department of Budget and Management (DBM) para sa tuluy-tuloy at mabilis na pagtatayo ng Central Mindanao High Standard Highway Construction Project.
Oras na makumpleto ang pagsasagawa ng naturang daan, bababa ang travel time sa pagitan ng Cagayan de Oro City at Malaybalay, Bukidnon mula anim at kalahating (6 ½) oras hanggang 3.5 (3 ½) oras na lamang.
Inaasahan din ang mas malakas na trade competitiveness at mas maraming pamumuhunan sa pagbubukas ng nasabing highway, na magpapalawak ng oportunidad sa Northern at Central Mindanao.
Sa bisa ng Forward Obligational Authority (FOA) na inilabas ng DBM, magiging sapat ang suporta para matapos ang buong proyekto na iminumungkahing pondohan sa pamamagitan ng loan mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA), Asian Development Bank (ABD), at counterpart funding ng pamahalaan ng bansa.
“With this FOA, garantisado ang tuloy-tuloy na financing hanggang matapos—para mas mabilis maramdaman ng mga Pilipino, lalo na sa Mindanao, ang benepisyo ng mas maayos, mas mabilis, at mas ligtas na biyahe,” saad ni DBM Secretary Rolando Toledo.
Dahil din sa mas mabilis na byahe, inaasahang mas bababa ang gastos sa transportasyon at bibilis ang galaw ng mga produkto kung saan direktang makikinabang ang iba’t ibang sektor sa komunidad kabilang na ang mga komyuter, magsasaka, at negosyante.- MP











