
Naglatag ng mahahalagang katangian si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dapat aniyang taglayin ng susunod na lider ng bansa, lalo na para sa halalan sa 2028.
Ayon sa Pangulo, pinakamahalaga ang pagkakaroon ng malawak na pag-unawa sa ekonomiya upang matiyak ang tuloy-tuloy na paglikha ng trabaho, pagpigil sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at pagpapanatili ng sapat na suplay ng pagkain sa bansa.
“Number one, somebody who understands economics, that’s the first thing. That’s the life of the person who understands how to create jobs, who understands how to keep the inflation rate down, who understands how to make food supply a given, something that you can assume,” pahayag ni Pangulong Marcos sa ginanap na ASEAN Editors and Economic Opinion Leaders Forum na dinaluhan ng mga senior policymaker, business leader, at mga kinatawan ng media.
Binigyang-diin din niya na ang isang lider ay dapat nasa puso ang hangaring pagandahin ang kalagayan ng bansa.
“We are about nation-building. I didn’t hear that anymore. So we need to have nation builders, people who want to make the Philippines better. People who actually love the Philippines and love Filipinos and want to make things better,” dagdag ng Pangulo.
Kaugnay nito, sinabi niyang mahalagang pagtuunan ng pansin ang pagpapabuti ng sistema ng edukasyon, pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan, at pagpapatupad ng mga polisiyang magpapataas sa kakayahan ng mga manggagawang Pilipino.
Bagama’t kinilala ng Pangulo na maraming kwalipikadong opisyal sa pamahalaan, iginiit nito na ang pamumuno sa pinakamataas na posisyon ay nangangailangan ng sapat na karanasan at tiwala ng publiko. – VC











