IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, ininspeksyon ang itinatayong NKTI Legacy Building, pinakamalaking dialysis center sa Southeast Asia sa 2028

84
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. inspects the ongoing construction of the Mega Hemodialysis Legacy Building at the National Kidney and Transplant Institute (NKTI) in Quezon City today, June 26. (Photo courtesy of PCO)

Personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nagpapatuloy na konstruksyon ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City ngayong araw, Hunyo 26.

Sa kanyang pagbisita, sinabi ng Pangulo na inaasahang magiging ganap na operational ang 13-palapag na Mega Hemodialysis Legacy Building sa unang bahagi ng 2028 upang mas mapalawak ang serbisyong pangkalusugan para sa mga pasyenteng may chronic kidney disease (CKD).

Sisimulan ang paglalagay ng mga medical equipment sa pasilidad sa unang bahagi ng 2027.

Layunin ng proyekto na tugunan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong may CKD, na ayon sa Pangulo ay tinatayang umabot na sa 11% ng populasyon.

Sa oras na matapos, magkakaroon ang gusali ng 200 hemodialysis machines na inaasahang magbibigay ng mas komprehensibong serbisyo sa mga pasyenteng nangangailangan ng regular na dialysis.
Natapos na ngayong araw, Hunyo 26, ang unang yugto ng proyekto, mula sa pagtatayo ng ground floor hanggang ikaapat na palapag, pundasyon hanggang sa pangunahing istruktura ng gusali.

Samantala, nasa 70.5% nang kumpleto ang ikalawang yugto ng proyekto, na sumasaklaw naman sa pagtatayo ng ikalima at ikaanim na palapag.

Ayon sa Pangulo, inaasahang ang NKTI Legacy Building ang magiging pinakamalaking dialysis center sa Southeast Asia sa oras na matapos.

Kasabay nito, binigyang-diin ng Pangulo ang pagpapalawak pa ng mga benepisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kabilang ang pagtaas ng bilang ng dialysis sessions mula 90 patungong 150 kada taon, gayundin ang pagpapalawak ng benefit packages para sa hemodialysis at peritoneal dialysis.

Tiniyak ng Pangulo na patuloy na pinag-aaralan ng pamahalaan ang iba pang hakbang upang mapigilan ang pagdami ng mga kaso ng CKD sa bansa.

Sa kasalukuyan, may 904 na dialysis centers na nagbibigay ng serbisyo sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. – VC