IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, ipinag-utos ang agarang pagpapalabas ng P10,000 cash gift sa senior citizens

132
Views

[post_view_count]

Senior citizens aged 80, 85, 90, and 95 from Sta. Cruz, Manila, received their P10,000 cash gift from the National Commission of Senior Citizens (NCSC) at P. Gomez Elementary School on March 11, 2026. (Manila PIO File photo)

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa National Commission of Senior Citizen (NCSC) ang agarang pagpapalabas ng P10,000 cash gift para sa mga senior citizen na benepisyaryo ng Expanded Centenarians Act.

Sa press briefing ngayong araw, Agosto 26, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na nakarating sa Pangulo ang mga reklamo hinggil sa pagkakaantala ng pamamahagi ng benepisyo para sa mga nakatatanda.

“Kailangan po talaga maibigay kung ano ang benepisyo na dapat ibigay sa ating mga elderly lalung-lalo na iyong mga senior citizens dahil iyan naman po ay talagang kailangang maipaabot sa kanila sa mabilis na pamamaraan,” ani Castro.

Natanggap na ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang reklamo kung saan nitong Martes, Agosto 25, ay inendorso na sa Committee on Anti-Red Tape ng NCSC.

Sa Agosto 28, magkakaroon ng pagpupulong ang ARTA, NCSC, mga kaukulang local government unit (LGU) at mga senior citizen na naghain ng reklamo upang linawin at ayusin ang problema.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11982 o Expanded Centenarians Act, ang mga Pilipinong umabot sa edad na 80, 85, 90 at 95 ay dapat makatanggap ng tig-P10,000 cash gift.
Ang mga umabot naman sa edad na 100 ay pagkakalooban ng P100,000 cash gift at liham ng pagbati mula sa Pangulo.

Tiniyak ni Castro na agad tutugunan ng pamahalaan ang problema at ipatutupad ang direktiba ng Pangulo upang maresolba ang usapin.

“Makakaasa po ang ating mga kababayan na patuloy pong gagampanan ng pamahalaan at ito po ay tutugunan agad ng Pangulo at ng ARTA para maresolba ang issue na ito,” ayon kay Castro. – VC