
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang agarang pagbibigay ng tulong sa mga pasahero at crew members ng lumubog na pampasaherong barko na M/V Trisha Kerstin 3 sa karagatang sakop ng Basilan ngayong araw, Enero 26
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, patuloy ang rescue operations ng Philippine Coast Guard (PCG) habang iniimbestigahan ang sanhi ng paglubog ng passenger-cargo Ro-Ro vessel na patungo dapat ng Jolo, Sulu.
Batay sa datos, may sakay ang vessel na 332 pasahero at 27 tripulante, kung saan may naiulat nang mga nasawi at nawawala.
Nagpaabot na ng ready-to-eat food boxes ang DSWD sa mga nailigtas sa Isabela City Port, habang nagsagawa naman ng profiling at assessment ang Quick Response Team ng ahensya upang matukoy ang karagdagang pangangailangan ng mga biktima.
Kasabay nito, sinisiyasat ng PCG kung may naging paglabag sa kapasidad at patakaran para sa kaligtasan ang nasabing barko. – VC











