
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Transportation (DOTr) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na makipag-ugnayan sa mga awtoridad ng Malaysia at Singapore upang masiguro na hindi magagalaw ang mga air asset ni dating Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co.
“Ngayong araw, inatasan ko ang DOTr at saka ‘yung CAAP na makipag-ugnayan sa mga kaibigan natin sa Malaysia saka sa Singapore dahil ang mga pag-aari na helicopter at saka eroplano ay mukhang doon tinatago ni Zaldy Co,” saad ng Pangulo sa isang Facebook video ngayong Biyernes, Nobyembre 28.
Ayon sa Pangulo, ang mga helicopter at eroplano na nakarehistro sa kumpanya ni Co na Misibis Aviation and Development Corp. ay sakop na ng freeze order ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), na nagbabawal sa anumang paggamit o paglilipat ng mga ito.
Dagdag pa ng Pangulo, hindi maaaring gamitin ang mga ari-arian na galing sa kaban ng bayan, para takasan at umiwas sa batas.
“You cannot steal from the Filipino people and expect to hide or fly away on your private jets. You may have the money to run, but you cannot outrun the Republic of the Philippines,” matapang na mensahe ni Pangulong Marcos.
Hinimok din ng Pangulo ang lahat ng sangkot sa iregularidad na agad bumalik sa bansa at ipakita ang pananagutan.
Inihayag naman ng Pangulo ang kanyang direktiba para sa agarang pag-aresto kay Co at 17 opisyal mula sa DPWH at Sunwest Corp. na konektado sa kontrobersyal na flood control projects sa bansa. –VC











