
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maghatid ng agarang tulong sa Mindanao, nagpalabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng paunang P362 milyon para sa rehabilitasyon at muling pagtatayo ng mga nasirang pampublikong pasilidad sa General Santos City, Sarangani, at South Cotabato kasunod ng mapinsalang lindol.
Magmumula ang pondo sa Local Government Support Fund (LGSF) na direktang ibibigay sa mga apektadong lokal na pamahalaan upang umalalay sa mabilisang recovery efforts at pagbabalik ng mga mahahalagang imprastraktura.
“Hindi po dapat naghihintay ang mga mamamayan sa oras ng sakuna. Malinaw po ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.—dapat maramdaman agad ng mga naapektuhang komunidad ang tulong ng pamahalaan,” ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert De Leon.
Isang araw matapos ang lindol sa Mindanao, Hunyo 9, agad na nagpalabas ang DBM ng P100-M para sa Pamahalaang Lungsod ng General Santos para sa pagsasaayos at rehabilitasyon ng isang multipurpose building sa Brgy. Dadiangas East.
Nitong Lunes, Hunyo 15, naglabas ng P140-M para sa Pamahalaang Panlalawigan ng Sarangani para naman sa pagsasaayos ng mga multipurpose building, pagtatayo ng tulay sa bayan ng Alabel, pagsasaayos ng gusali ng ospital, at pagtatayo ng mga lokal na kalsada sa Glan.
Sa kaparehong araw, nagbaba rin ang ahensya ng P122-M para sa Pamahalaang Panlalawigan ng South Cotabato para makatulong sa pagsesemento ng lokal na kalsadang nag-uugnay sa Brgy. Acmonan at Brgy. Kablon sa bayan ng Tupi, at susuporta sa pagbangon ng ekonomiya ng mga apektadong lugar.
Tiniyak ni de Leon na may nakahanda pang karagdagang pondo mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) para sa mga programa sa relief, rehabilitasyon, at reconstruction efforts sa buong bansa.
Maaari namang humiling ng karagdagang pondo ang national government disaster response agencies ng Quick Response Funds (QRF) sa oras na umabot na sa itinakdang 50% ang paggamit ng kanilang QRFs.
Sa huli, binigyang-diin ng DBM na bahagi ng mas pinalawak na estratehiya ng pambansang pamahalaan sa pagpopondo ang inilabas na P362 milyon tungo sa pagtulong at pagbangon mula sa nagdaang sakuna.
“Sa ilalim ng liderato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sisiguruhin nating walang kakulangan sa pondo pagdating sa pagligtas ng buhay, pagtulong sa mga apektadong pamilya, at pagpapabilis ng pagbangon ng mga komunidad na sinalanta ng sakuna,” pagtitiyak ni De Leon. – VC











