
Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isang video message ngayong Biyernes, Disyembre 5 na papanagutin ang controversial contractor na si Cezarah Rowena “Sarah” Discaya kasama ang iba pang personalidad na umano’y sangkot sa isang “ghost” flood control project sa Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Ayon sa Pangulo, inirekomenda na ng Office of the Ombudsman ang paghahain ng kasong “malversation through falsification and violation of Section 3 (e) of the Republic Act 3019” o Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban sa mga indibidwal kaugnay ng pagsusumite ng falsified final billing, certificate of completion, at inspection reports tungkol sa nasabing proyektong nagkakahalaga ng P100 million.
Wala rin umanong time stamp ang mga larawan at video na isinumite upang maberipika ang kalagayan ng proyekto.
Naibigay ang nasabing proyekto sa isa sa mga construction company ng mga Discaya na St. Timothy Construction Corporation noong January 2022 kung saan idineklara itong tapos na bagaman walang anumang bakas na natagpuan matapos ang isinagawang inspeksyon ng Criminal Investigation and Detection Group.
Sa isang joint affidavit, kinumpirma rin ng mga kinatawan ng mga indigenous people sa komunidad na walang kahit anong implementasyon nito.
Ayon pa sa Ombudsman, inaprubahan ng mga sangkot na personalidad ang mga dokumento upang mailabas ang kabuuang pondo para sa proyekto kahit wala pang nasisimulan.
“Nagdulot sila ng undue injury sa gobyerno at nagbigay ng unwarranted benefit sa kontrakto at may pakikialam ang ilang private respondent sa nangyaring sabwatan,” pahayag ng Pangulo.
Inatasan na ng Pangulo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) maging ang Philippine National Police (PNP) na alamin ang kinaroroonan ng mga Discaya maging ng iba pang sangkot sa isyu at tiyakin ang agarang pag-aresto sa kanila sa oras na lumabas ang arrest warrants.
“Umpisa pa lang ito, marami pa tayong ipapakulong at marami pang magpapasko sa kulungan,” saad ng Pangulo kaugnay ng mga aksyon ng administrasyon upang mapabilis ang pag-aresto sa lahat ng sangkot hinggil sa iregularidad sa flood control projects.











