
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagdaraos ng simpleng selebrasyon ng Pasko at year-end ng mga ahensya ng gobyerno bilang konsiderasyon sa mga nagdaang kalamidad na tumama sa bansa.
Sa bisa ng Memorandum Circular No. 110, layon nito na maiwasan ang maling paggamit ng pampublikong pondo at sa halip ay gawing prayoridad ang mga programa at serbisyo ng pamahalaan para sa mga Pilipino.
Saklaw ng direktiba ang lahat ng national government agencies (NGAs) at instrumentalities, government-owned at controlled corporations, maging mga state universities at colleges.
Hinihikayat din ng Pangulo ang mga local government unit (LGU) na makibahagi sa nasabing kautusan.
“In light of recent natural disasters and calamities in the country, it is necessary to adopt austerity measures during the Christmas season to ensure greater efficiency in public spending,” sinasaad ng MC 110.
Binigyang-diin ng Pangulo na maiging gawing payak ngunit makabuluhan ang mga selebrasyon upang matiyak na magagamit nang tama ang pampublikong pondo at magbigay-daan sa mga Pilipinong kasalukuyan pang nakararanas ng epekto ng mga nagdaang sakuna.
Ayon sa Pangulo, pinagsisikapan ng administrasyon ang pagiging disiplinado pagdating sa paggamit ng pondo ng pamahalaan at pagtitiyak nang tamang paggasta. – VC











