IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, ipinag-utos ang whole-of-government approach sa gitna ng pagbaha dulot ng habagat

125
Views

[post_view_count]

Response operations by the MDRRMO and local response teams have been intensified in areas affected by the Habagat, including Bangar, La Union; Malabon City; Ternate and Calatagan, Cavite; Bugallon and Bani, Pangasinan; Mamburao and Calintaan, Occidental Mindoro; and San Felipe, Zambales. (Photo courtesy of PCO)

Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga ahensya ng pamahalaan na pabilisin ang pagtugon at unahin ang kaligtasan ng mga residente kasunod ng naging malawakang pagbaha sa ilang bahagi ng Metro Manila dulot ng matinding pag-ulan nitong Lunes, Agosto 17.

Sa press briefing ngayong araw, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na patuloy na nakatutok ang Pangulo sa sitwasyon sa Metro Manila at iba pang lugar na naapektuhan ng tuloy-tuloy na pag-ulan.

Ayon kay Castro, ipinag-utos ng Pangulo sa mga ahensya ng gobyerno na tiyaking mabilis na makararating ang tulong sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha.

“Utos ng Pangulo sa lahat ng ahensya na iprayoridad ang kaligtasan ng mga residente at siguruhing maaabot ng tulong ang mga nasalanta ng baha,” ani Castro.

Bilang tugon, in-activate ng Office of Civil Defense (OCD) ang mga response cluster member agency upang tumulong sa mga lokal na pamahalaan at residente sa mga apektadong lugar.

Nakaantabay din ang mga search and rescue team para sa agarang deployment sakaling kailanganin.
Nagpatupad naman ang pamahalaan ng libreng sakay sa Metro Manila bunsod ng mga pagkaantala sa biyahe, habang nagpapatuloy ang relief, clearing at medical assistance operations sa mga lugar na sinalanta ng baha.

Sa tala ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), umabot na sa 1,057,972 family food packs (FFPs) ang naipamahagi ng kagawaran sa mga apektadong pamilya.

Kabilang sa mga naipamahaging tulong ang 17,291 ready-to-eat food (RTEF), 163 iba pang food items, at 12,741 non-food items (NFIs).

Kaugnay ng pagbaha, binigyang-diin ni Castro ang gampanin ng nagpapatuloy na Pasig-Marikina River Channel Improvement Project (PMRCIP), na aniya ay nakatulong upang maiwasan ang pag-apaw ng Marikina River.

“Dahil sa proyektong ito, hindi umapaw ang ilog at naprotektahan ang mga residente ng Marikina at Pasig City mula sa matinding baha,” ani Castro.

Upang higit na mapalakas ang mga hakbang kontra pagbaha, ipinag-utos ng Pangulo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na pabilisin ang konstruksyon ng mga flood mitigation structure sa kahabaan ng ilog, katuwang ang Japan International Cooperation Agency (JICA).

Sa kasalukuyan, 53% nang kumpleto ang proyekto, na kinabibilangan ng floodgates, pumping stations at iba pang imprastraktura na layong mapahusay ang pagkontrol sa daloy ng tubig sa Manggahan Floodway.

Inaasahang mababawasan ng proyekto ang pagbaha sa tinatayang 63% ng mga lugar sa loob ng Pasig-Marikina River Basin sa oras na matapos.

Giit ni Castro, magpapatuloy ang administrasyon sa pagpapalakas ng mga hakbang sa flood mitigation habang tinutugunan ang agarang pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng pinakahuling pagbaha. – VC