
Isang malaking tagumpay para sa seguridad ng enerhiya ng bansa ang inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. matapos ang produktibong drilling at testing ng Camago-3 well na bahagi ng Malampaya Phase 4 (MP4) project.
Ayon sa Pangulo, nakapagtala ang Camago-3 ng produksyon na aabot sa 60 milyong standard cubic feet ng natural gas kada araw, na indikasyon ng malaking potensyal nito bilang lokal o indigenous na pagkukunan ng enerhiya.
Tinatayang mas malaki ang recoverable gas mula sa Camago-3 kumpara sa naunang natuklasang reserba sa Malampaya East 1 (MAE-1) noong Enero.
Bahagi ang naturang well ng 893 milyong dolyar ng MP4 campaign, na inaasahang magpapahaba sa operasyon ng Malampaya gas field ng hanggang anim na taon.
Sa pamamagitan nito, inaasahang magkakaroon ng mas matatag at mas murang suplay ng kuryente para sa mga kabahayan at negosyo sa Pilipinas.
Kasabay ng proyektong ito ang paglalatag ng bagong subsea pipelines kung saan ang mga tubong ito ang magsisilbing daluyan ng gas mula sa field patungo sa mga planta ng kuryente, na kalaunan ay magbibigay ng enerhiya sa mga tahanan at industriya.
Target ng pamahalaan na maihatid ang unang suplay ng gas mula sa MP4 wells pagsapit ng ikaapat na quarter ng 2026, kasabay ng paghahanda sa susunod na drilling site sa Bagong Pag-asa, na matatagpuan 30 kilometro sa hilaga ng Malampaya.
Ang MP4 drilling campaign ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Energy (DOE) bilang bahagi ng mas pinalawak na hakbang ng pamahalaan upang maging self-reliant sa enerhiya ang Pilipinas.
Sa halip na umasa sa inaangkat na fuel mula sa ibang bansa, ang pagpapaunlad ng sariling likas-yamang enerhiya ay nakikitang-susi ng pamahalaan upang mapababa ang gastusin ng mga Pilipino sa langis sa mga susunod na taon at maprotektahan ang ekonomiya. – VC











