IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, ipinangako ang tuloy-tuloy na pagpapabuti ng G. Araneta drainage system para maiwasan na ang pagbaha

74
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. inspected the continuous G. Araneta Drainage Improvement Project in Quezon City to help ease flooding in the area on June 26. (Photo courtesy of PCO)

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong araw, Hunyo 26, ang pagpapatuloy ng G. Araneta Drainage Improvement Project sa Quezon City bilang bahagi ng pagpapalakas ng mga hakbang ng pamahalaan laban sa pagbaha.

Personal na siniyasat ng Pangulo ang natapos na bahagi ng proyekto na layong mapabilis ang pagdaloy ng tubig sa naturang flood-prone area sa ilalim ng “Oplan Kontra Baha” Program.

Ayon sa Pangulo, kapansin-pansin na ang epekto ng proyekto dahil mas mabilis nang humuhupa ang baha sa lugar tuwing malalakas ang pag-ulan kumpara sa mga nagdaang taon.

Matagal nang suliranin ang pagbaha sa G. Araneta Avenue na nakakaapekto sa mga residente, motorista at maliliit na negosyo, dahilan kaya mabilis itong inaksyunan ng pamahalaan.

Sinabi ng punong ehekutibo na kalahati pa lamang ng proyekto ang natatapos at ipagpapatuloy pa ang konstruksyon sa kabilang bahagi ng kalsada, upang lalo pang mapabilis ang pagdaloy ng tubig at maiwasan na ang pagbaha sa G. Araneta partikular sa Tatalon.

Bukod sa imprastraktura, binigyang-diin din ng Pangulo ang pangangailangang tugunan ang problema sa pagtatapon ng basura na maaaring magdulot ng pagbara sa bagong drainage system.

Hiniling ng Pangulo ang pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City upang makabuo ng tuloy-tuloy na sistema ng paglilinis at pagde-declog ng mga daluyan ng tubig.

“Hihingi tayo ng tulong kay Mayor Joy [Belmonte] at sabihin natin kung puwede ay gawa tayo ng sistema para tuloy-tuloy ang pag-declogging,” ani Pangulo.

Bagama’t nagsasagawa ng de-clogging operations sa lugar, iginiit ng Pangulo na hindi ito sapat dahil sa dami ng mga basurang naiipon sa mga estero at drainage.

“Ginagawa na ng mga tigarito, nagde-declogging sila. Pero small scale lang. Sa dami ng basura, kailangan talaga meron tayong isang sistema,” dagdag ng Pangulo.

Nauna nang nag-inspeksyon si Pangulong Marcos Jr. sa G. Araneta Avenue noong Mayo upang matukoy ang mga pangunahing lugar na madalas bahain.

Ipinangako naman niya na patuloy isasagawa ang mga ganitong proyekto sa iba pang bahagi ng Metro Manila hanggang sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Inilunsad noong nakaraang taon, ang Oplan Kontra Baha ay naglalayong linisin ang mga daluyan ng tubig, ayusin ang drainage system, at i-upgrade ang mga pumping station upang mabawasan ang pagbaha sa Metro Manila at iba pang flood-prone areas sa bansa. VC