IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, ipinatawag ang Kongreso para sa isang special session sa Hunyo 17

84
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. (Photo courtesy of PCO)

Ipinatawag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Kongreso para sa isang special session sa Miyerkules, Hunyo 17 upang agarang aksyunan ang mga nakabinbing panukalang batas na nakatuon sa edukasyon, kalusugan, at kapakanan ng mga vulnerable sector.

Sa ilalim ng Proclamation No. 1318, inatasan ng Pangulo ang Kongreso na pagtuunan ng pansin ang mga panukalang batas na nasa advanced stage na ng legislative process ngunit hindi pa naipapasa.

Ayon sa Pangulo, kinakailangan ang agarang pagkilos ng pamahalaan upang matugunan ang mga hamong kinahaharap ng bansa, kabilang ang epekto ng kamakailang lindol sa Mindanao, mga suliranin sa enerhiya, at iba pang kalamidad na nakakaapekto sa maraming Pilipino.

“The challenges confronting our people demand urgent action. Families affected by the recent earthquake in Mindanao require immediate assistance. Students need continued support to pursue their education. Our senior citizens deserve better healthcare. Our children must have better nutrition and vulnerable sectors need stronger protection,” ani Pangulo.

Dagdag pa nya, hindi dapat huminto ang pagtugon ng gobyerno sa pangangailangan ng mamamayan kahit wala sa regular na sesyon ang Kongreso.
Kabilang sa inaasahang tatalakayin ang pagtatatag ng National Center for Geriatic Health, mga amyenda sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) Act, Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Act, at Universal to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA).

Kasama rin sa agenda ang Last Mile and Geographically Isolated and Disadvantaged and Conflict-Affected Areas (GIDA) Schools Act, mga amyenda sa Masustansyang Pagkain Para sa Batang Pilipino Act, Anti-Political Dynasty Law, at Presidential Merit Scholarship Program.

Inaasahang magbibigay-daan din ang special session para makapagpulong ang Commission on Appointments upang aksyunan ang mga nakabinbing appointment sa mahahalagang posisyon sa gabinete, militar, at foreign service.

Naniniwala ang administrasyon na isasantabi ng mga mambabatas ang mga usaping pampolitika upang pagtuunan ng pansin ang pagpasa ng mga panukalang maghahatid ng agarang tulong sa mga Pilipino.

Alinsunod sa Seksyon 15, Artikulo VI ng 1987 Konstitusyon, may awtoridad ang Pangulo na tipunin ang Kongreso para sa isang special session anumang oras upang agarang tugunan ang mga usaping nangangailangan ng aksyong lehislatibo. – VC