Ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbagal ng antas ng inflation mula sa 4.4% noong Hulyo 2024 patungong 3.3% nitong buwan ng Agosto.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ng punong ehekutibo na ito ay maituturing na tagumpay para sa bawat Pilipino.
Malaking ginhawa aniya sa araw-araw na gastusin ng pamilyang Pilipino ang pagbaba ng meat inflation mula 4.8% patungong 4.0%, gayundin ang rice inflation na bumagsak sa 14.7% mula sa dating 20.9%.
Upang mapanatili ang ganitong datos, nangako si Pangulong Marcos Jr. na palalawakin pa ng pamahalaan ang ‘Kadiwa ng Pangulo’ program sa Visayas at Mindanao kung saan maaaring makabili ng mura ngunit de-kalidad na produkto ang mas maraming mamamayan.
Patuloy din ang pag-arangkada ng controlled roll-out ng African Swine Fever (ASF) vaccine para matiyak naman na ligtas ang mga produktong baboy mula sa sakit at maiwasan ang overpricing ng karne sa merkado.
“These are concrete steps we’re taking to make sure that the Bagong Pilipinas we promised is felt where it matters most—at home,” bahagi ng pahayag ng Pangulo.
Kasabay nito, tiniyak ng Pangulo na hindi titigil ang kanyang administrasyon upang mabigyan ng kalidad na pamumuhay ang sambayanang Pilipino.
“Ipagpapatuloy natin ang pag-usad upang matiyak na makakamtan ng bawat Pilipino ang mas komportableng buhay—sa pamamagitan ng dekalidad na trabaho at murang bilihin,” pagbibigay-diin niya. -VC