IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, isinusulong ang underground water storage bilang long-term solution sa baha

166
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. presided over a situation briefing on the effects of Habagat and flooding in Metro Manila and other areas at the MMDA office in Pasig City today, August 19.

Itinutulak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtatayo ng underground water storage facilities o cistern bilang long-term solution sa pagbaha, kasabay ng pagpapatuloy ng pagsasaayos ng drainage, pumping stations at dredging operations.

Sa situation briefing sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) office sa Pasig City, Miyerkules, Agosto 19, sinabi ng Pangulo na nakatulong ang mga flood-mitigation measures upang bumaba ang baha at bumilis ang pag-agos nito sa ilang lugar sa Metro Manila.

“Kung dati mag-aantay ang tao ng 2-3 araw bago mawala ‘yung baha, ngayon wala pang isang araw, wala na,” ani Pangulo.

Kabilang sa mga ipinatutupad na hakbang ang paglilinis ng mga daluyan ng tubig, pagpapalawak ng drainage capacity, pagpapalit ng maliliit at lumang drainage pipes, at pag-upgrade ng pumping facilities.

Ayon sa Pangulo, gumagana na ang lahat ng 73 pumping stations na mino-monitor ng pamahalaan, habang 11 mobile pumping units ang idineploy sa mga lugar na nangangailangan ng karagdagang kapasidad.

Para sa long-term solution, 30 potential locations na ang natukoy para sa underground water storage facilities, kabilang ang Raja Sulaiman, Rizal Memorial Sports Complex, Camp Aguinaldo at University of Santo Tomas campus.

Sa panukala, huhukayin ang ilalim ng mga kasalukuyang open space at pasilidad, gaya ng football fields at bahagi ng mga campus, upang gawing imbakan ng ulan.

Layunin ng underground storage facilities na pansamantalang mag-imbak ng malalaking volume ng tubig tuwing malakas ang ulan, sa halip na agad itong dumaloy patungo sa dagat at madagdagan ang pressure sa drainage at flood-control systems.

Inatasan din ng Pangulo ang mga opisyal na pag-aralan kung paano mapapakinabangan ang nakolektang tubig, kabilang ang posibleng paggamit nito sa industriya o irigasyon, depende sa kalidad at kinakailangang treatment.

Bagaman may resulta na ang anim hanggang pitong buwan na flood-mitigation projects ng pamahalaan, aminado ang Pangulo na marami pang kailangang gawin dahil sa mas madalas at mas matitinding pag-ulan na dulot ng climate change.

“May solutions for the very short term, may solutions for the medium term, at eventually, may solutions for the longer term,” ani Pangulo. VC