IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, lumapag na sa Kazan, Russia para sa ASEAN-Russia Commemorative Summit

Michael Peronce
135
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. arrived in Kazan, Russia for the ASEAN-Russia Commemorative Summit on the morning of Wednesday, June 17 (local time). (File photo from PCO)

Dumating na sa Kazan, Russia si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para lumahok sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Russia Commemorative Summit, kung saan inaasahang pag-uusapan ang kooperasyon sa seguridad, kalakalan, enerhiya, seguridad sa pagkain, at iba pang mahahalagang usapin.

Lumapag ang eroplanong sinakyan ni Pangulong Marcos Jr. bandang 7:49 a.m. oras sa Russia o 12:49 p.m. dito sa Pilipinas, ayon sa Presidential Communications Office.

Sa kanyang departure statement bago lumarga bandang 11:55 ng gabi nitong Martes, ibinahagi ng Pangulo na ito ang kanyang kauna-unahang pagbisita sa Russia.

“It will be my first time on Russian soil—a journey I undertake nearly fifty (50) years after my father, President Ferdinand E. Marcos Sr., made his own historic visit to the then-Soviet Union in 1976, which culminated in the establishment of diplomatic relations between our two countries,” ayon kay Pangulong Marcos Jr.

Bilang Chair ng ASEAN, sinabi ng Pangulo na nakatuon ang Pilipinas sa pagtiyak na magbubunga ang Commemorative Summit ng makabuluhang resulta na magpapalalim sa Strategic Partnership ng ASEAN sa Russia at kalauna’y mag-aambag sa kapayapaan, katatagan, at kaunlaran sa rehiyon.

Matataon din ang nasabing pagpupulong sa ika-50 anibersaryo ng diplomatikong relasyon sa pagitan ng Pilipinas-Russia.

Sa sidelines ng summit, nakatakdang magsagawa ng bilateral meeting ang Pangulo kay Russian President Vladimir Putin.

“Beyond marking our golden anniversary of diplomatic relations, which were formally established on June 2, 1976, our discussions will focus on concrete areas of mutual interest, particularly energy and food security,” ayon kay Pangulong Marcos Jr.

Muli namang binigyang-diin ng Pangulo ang pangako ng bansa sa pagkakaisa ng ASEAN at kooperasyon kasama ang “external partners” ng rehiyon.

“We travel to Kazan with purpose, and we return with renewed commitment to our partnership,” dagdag niya. – VC