
Inaasahang tatalakayin nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Russian President Vladimir Putin ang mga usapin hinggil sa food at energy security sa kanilang nakatakdang bilateral meeting sa sidelines ng ASEAN-Russia Commemorative Summit sa Kazan sa Hunyo 17-18.
Sa press briefing ngayong Lunes, Hunyo 15, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Assistant Secretary Xavier Imperial na ang pagpupulong ng dalawang lider ay kasabay ng paggunita sa ika-50 anibersaryo ng diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Russia ngayong taon.
Ayon kay Imperial, pangunahing pagtutuunan sa pagpupulong ang seguridad sa pagkain at enerhiya na kapwa mahalagang usapin para sa dalawang bansa.
“The meeting will most likely focus on food security and energy security that are mutually important for both countries, for the Philippines and Russia,” ani Imperial.
Sa energy security, inaasahang matatalakay ang patungkol sa suplay ng langis at natural gas, gayundin ang mga posibilidad ng kooperasyon sa larangan ng nuclear energy.
Inaasahang pag-uusapan din ng dalawang lider ang pagpapalalim pa ng ugnayan ng Pilipinas at Russia sa mga larangan ng turismo, edukasyon, kultura, agham at teknolohiya, at people-to-people exchanges.
Inaasahan namang magbubunga ang summit ng ilang mahahalagang kasunduan, kabilang ang Kazan Declaration 2026 at ang ASEAN-Russia Comprehensive Plan of Action 2026-2030, na magsisilbing gabay sa kooperasyon ng ASEAN at Russia sa mga usaping pampulitika, panseguridad, pang-ekonomiya, at socio-cultural sa susunod na limang taon.
Makakasama ng Pangulo sa pagdalo sa summit si DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro at mga kinatawan ng Department of Trade and Industry (DTI).
Kabilang pa sa mga aktibidad ng Pangulo sa Kazan ang pagdalo sa plenary session ng ASEAN-Russia Summit, working lunch kasama ang mga lider ng rehiyon, business forum, gala dinner para sa mga lider ng mga miyembrong estado, at joint press conference.
Ayon sa DFA, mahalagang maging interesado ang mga Pilipino sa magiging resulta ng pagbisita ng Pangulo sa Russia kung saan maaari silang makinabang sa larangan ng counterterrorism, paglaban sa transnational crime, climate change adaptation, disaster management, capacity building para sa mga law enforcement agency at kalusugan. – VC











