
Makikipagpulong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay United States (US) President Donald Trump at apat pang world leader sa sidelines ng 49th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit and Related Summits na gaganapin sa Nobyembre 15-17.
Ayon kay ASEAN 2026 Spokesperson Dominic Xavier Imperial, inaasahang darating sa Maynila si Trump sa Nobyembre 17 upang dumalo sa ASEAN-US Special Summit na gaganapin sa Philippine International Convention Center.
Maliban kay Trump, makikipagpulong din ang Pangulo sa mga lider ng Australia, Brazil, Japan, at South Korea.
Isinasapinal na rin ang inaasahang bilateral meeting ng Pangulo sa mga lider ng India at Laos, gayundin kay United Nations Secretary General Antonio Guterres.
Ang Pilipinas ang nagsisilbing punong-abala sa 49th ASEAN Summit, kasunod ng 48th ASEAN Summit na ginanap sa Cebu noong Mayo.
May temang “Navigating Our Future, Together,” nakasentro ang 2026 chairship ng Pilipinas sa tatlong pangunahing prayoridad: peace and security anchors, prosperity corridors, at people empowerment.
Layunin ng mga prayoridad na ito na isulong ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon, palakasin ang kooperasyong pang-ekonomiya, at itaguyod ang inklusibong pag-unlad sa buong Asya. – VC











